-- Advertisements --

Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na lutuin nang husto ang kakaining karne ng baboy upang hindi tamaan ng sakit.

Ito’y matapos na kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) na nakapasok na sa bansa ang African Swine Fever (ASF) matapos na magpositibo sa sakit ang mga baboy sa ilang bahagi ng bansa.

“We want to allay the fears of the public by saying that, as long as pork is bought from reliable sources and it is cooked thoroughly, pork is safe to eat,” saad ni Health Sec. Francisco Duque III sa isang pahayag.

Gayunman, binigyang-diin ng kalihim na wala raw dalang panganib sa kalusugan ng tao ang ASF.

Nag-abiso rin ang kagawaran sa mga hog raisers na huwag pakainin ng tirang pagkain ang mga baboy dahil sa ito ang karaniwang pinagmumulan ng sakit.

Dapat din aniyang i-monitor ng mga hog raisers ang mga alaga nilang baboy at tingnan kung may sintomas ito ng ASF.

“DOH also urges the public to support measures being implemented by the DA and to work closely with concerned agencies in monitoring and responding to significant health events,” anang kalihim.