Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) sa publiko na labag sa batas at masyadong mapanganib ang pagbili at pagbenta ng convalescent plasma upang maging lunas sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Trading blood and other blood products, including those from recovered COVID-19 patients, is not only illegal but highly dangerous,” saad sa pahayag ni DOH Sec. Francisco Duque III.
“Convalescent plasma should not be for sale and should be voluntarily donated for COVID-19 patients in need.”
Babala ito ng DOH kasunod ng mga ulat na ilang mga pamilya ng mga pasyenteng may coronavirus na nasa kritikal na kondisyon ang bumibili umano ng blood plasma sa mga nakarekober sa sakit, mga hospital staff, at sa mga fixer.
Nakarating din sa kagawaran ang mga report na may ilang indibidwal ang sinasadyang magpahawa sa COVID-19 upang ibenta ang kanilang plasma.
Ayon sa DOH, masyadong peligroso ang kalakaran lalo na sa mga pasyente na maaaring dapuan ng mga transfusion-transmissible infection gaya ng HIV, hepatitis at malaria.
Sa kasalukuyan, tanging ang Philippine Blood Center at ang Philippine Red Cross sa Maynila ang mga non-hospital facility na otorisadong mangolekta ng plasma, maliban sa Philippine General Hospital at St. Luke’s Medical Center.
Giit din ng ahensya, patuloy pa rin ang isinasagawang evaluation sa convalescent plasma therapy at hindi pa bahagi ng standard care para sa mga coronavirus patients.
“To date, there is no concrete evidence to show that it is effective against SARS-CoV-2,” dagdag nito.
Ang convalescent plasma, na kinukuha mula sa dugo ng mga pasyenteng gumaling sa sakit, ay naglalaman ng mga antibodies na pangontra sa virus.
Ginamit na rin ang nasabing therapy sa mga nakalipas na outbreak ng mga nakahahawang sakit tulad ng Ebola at SARS.
Nagpaalala rin ang DOH sa publiko na ang lahat ng dugo at mga blood products ay tinitipon lamang mula sa mga volunteer blood donors, sang-ayon sa Republic Act 7719 o ang National Blood Service Act of 1994.
Ipinagbabawal din anila ang paid donation at ang mga pasilidad na magpapabayad ay maaaring parusahan batay sa DOH Administrative Order No. 36 series of 1994 Chapter 7, Section 26 at Chapter 8, Section 41.
“DOH is calling on the aid of hospital chiefs to check their own staff if they engage in this practice and LGUs to investigate the trade of convalescent plasma outside the realm of authorized health facilities,” saad nito.
“Likewise, DOH is appealing to relatives of patients to stop dealing with fixers operating inside and outside the hospital.”