Nakipag-ugnayan na ang Department of Health (DOH) sa World Health Organization (WHO) hinggil sa naging pahayag ng huli na ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa buong Westen Pacific region.
Sinabi ng ahensya na hindi raw dapat mag-cherry pickinng o ikumpara ng WHO ang Pilipinas sa ibang bansa mabagal ang pagtaas ng coronavirus cases.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, marami pa raw factors na dapat ikonsidera tungkol dito ang WHO tulad na lamang ng konteksto ng health care system capacity at economic status ng isang bansa.
Subalit kung hindi raw talaga maiiwasan ang pagkukumpara ay dapat umanong tingnan ang mga bansa sa kabuuan ng ASEAN.
Sa inilabas kasi na datos ng WHO, as of June 28 ay mas kakaunti ang total confirmed cases ng Pilipinas kumpara sa Indonesia na may higit 52,000 cases at Singapore na may 43,246 cases.
Bagama’t mas mataas ang case fatality rate ng bansa na 3.55 percent kumpara sa 2.9 percent ng ASEAN countries ay patuloy pa rin ang pagbaba nito kumpara sa case fatality rate ng buong mundo na 5.15 percent.
Patunay lamang daw ito na kahit medyo nahuhuli ang bansa sa ilang batayan ay patuloy naman na gumaganda ang performance sa ibang batayan.
Samantala, patuloy naman na nakikipag-usap ng DOH sa doctors to the barangay (DTTB) batch 36 at 37 hinggil sa kanilang deployment sa Cebu City.
Ito’y makaraang tutulan ng DTTB sa Western at Central Visayas ang utos ng ahensya na deployment ng rural health physicians sa Cebu City para manatiling sapat ang health system capacity nito sa COVID-19.
Sa kabila nito ay labis-labis naman ang pasasalamat ni Vergeire sa mga health care workers na tumugon sa kanilang panawagan para tulungan ang nasabing syudad.