MANILA – Patuloy na pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) at mga eksperto ang posibilidad ng isali na rin sa national tally ng COVID-19 ang mga indibidwal na nagpo-positibo sa saliva test.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, “conditional approval” pa lang ang binibigay nila sa Philippine Red Cross (PRC), na siyang nag-iisang otorisado na magsagawa ng saliva test sa bansa.
Kaya naman hindi pa nila maisasama sa national tally ng COVID-19 ang mga indibidwal na saliva test positive.
Kahapon sinabi ni PRC consultant Dr. Michael Tee na inabisuhan na sila ng DOH na isasali sa kabuuag bilang ng COVID-19 cases sa bansa ang mga mapapatunayang positibo sa saliva test.
Sa datos ng PRC, aabot na sa 365,000 na saliva test ang kanilang nagawa mula noong Enero.
“Sa ngayon hinihingi natin ang mga datos sa mga rehiyon para makita natin at mahimay, because there might be some which were reported already and included into our data systems, at iba na baka hindi.”