-- Advertisements --

Nanawagan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kay Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta na agad na itong magpabakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Duque, kinakailangan na mabakunahan na si Acosta dahil sa palagay niya ay malapit na itong maging senior citizen dahilan kung bakit kinakailangan nitong magkaroon ng karagdagang proteksyon tulad na lamang ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.

Dapat din aniya na maging bukas ang pag-iisip ng PAO chief pagdating sa mga ganitong usapin at suportahan ang programang bakunahan laban sa nasabing virus na isinusulong ng pamahalaan.

Samantala, itinanggi naman nang kalihim ng pangkalusugan ang naging pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ang hindi pagpapabakuna ni Acosta ay nagpapahina sa kampanya ng gobyerno sa bakunahan laban sa nakamamatay na viruse.

Matatandaan na isa si PAO chief Acosta sa mga umalma at hindi sang-ayon sa ipinatupad na “no vaccination, no ride” policy ng Department of Transportation (DOTr) dahil tila sinisikil daw nito ang kalayaan ng mga Pilipino lalo na ng mga mahihirap na hindi pa bakunado.

Siya rin ay isang kilalang personalidad sa kontrobersiyang nakapalibot nang pumutok ang isyu ng Dengvaxia dengue vaccine noong taong 2016.