Nagpahayag ng suporta ang Department of Health(DOH) para sa pagpapataas ng pondo ng Department of Agriculture(DA).
Ito ay upang mapalawak pa ng DA ang kampanya nitong pagbabakuna sa mga hayop, lalo na ang mga aso na pangunahing nagpapataas ng mga rabies cases.
Maalalang sinabi ng DOH na lalo pang tumaas ang kaso ng rabies sa unang limang buwan ng 2024 kumpara noong nakalipas na taon kung saan umakyat ito ng 13%. Batay sa datos ng ahensya, umabot sa 160 katao ang namatay na ngayong taon dahil sa rabies.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, suportado nito ang pagtaas ng pondo ng DA upang makapagsagawa ito ng malawakang animal vaccination.
Sa kasalukuyan aniya, kailangang mabakunahan ang hanggang 22 million na aso at mga pusa at nakaatang sa balikat ng DA na bakunahan ang mga ito.
Kasabay nito ay nanawagan din ang ahensiya sa mga pet owners na maging responsable at pabakunahan ang kanilang mga alagang aso at pusa upang matiyak na ligtas mula sa rabies.
Samantala, batay sa pinakahuling datos ng DOH, 92% ng mga naitalang rabies cases sa unang limang buwan ng 2024 ay mula sa kagat ng mga aso, 6% ay mula sa kagat ng pusa, habang ang nalalabing tatlong porsyento ay dahil sa kagat ng iba’t ibang mga hayop.