LAOAG CITY – Inihayag ni Department of Health Acting Secretary Maria Rosario Vergeire na isinusulong nila na mapataas ang sahod ng mga healthcare workers para manatili ang mga ito sa Pilipinas.
Pahayag ito ni Vergeire sa pangunguna nito sa 55th Founding anniversary ng Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac kung saan sumentro ang talakayan sa Universal Healthcare Act.
Ayon kay Vergeire, ang pondo para sa universal healthcare ay mula sa Syntax law na naipasa noon pang 2013 kung saan lahat ng mga syntaxes mulsa iba’t-ibang produkto tulad ng sigarilyo, alcohol, at softdrinks ay malaking porsiyento ang napupuna sa Department of Health.
Hinggil dito, sinigurado rin ni Vergeire ang mas madaling access sa serbisyo ng kalusugan at ipinunto ang kahalagahan ng Universal Healthcare Act na isang hakbang para mas mapaganda pa ang serbisyo ng kalusugan sa lahat ng mga Pilipino, ano man ang estado ng pamumuhay.
Sinabi nito na kailangan ng mga Pilipino na makatanggap ng patas na serbisyo at walang maiiwan, may pera man o wala.
Sa ngayon aniya ay gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para sa mas madaling access sa healthcare services sa mga ospital at mas murang gamot.
Magdedeploy rin ang pamahalaan ng mga healthcare workers sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas na nangangailangan ng mas maraming eksperto para magamot ang mga pasyente o Pilipinong may sakit.