Tinitingnan ng Department of Health (DOH) ang mga smallpox vaccine na magagamit bilang proteksyon laban sa mpox.
Ayon sa ahensya, nagpasabi na ito sa World Health Organization (WHO) upang maka-access sa mga bakuna kontra smallpox bilang proteksyon sa pinangangambahang mpox.
Sinabi naman ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na may mga pag-aaral nang lumabas kung saan nakitang nakakapagbigay ng cross protection ang smallpox vaccine laban sa mpox.
Gayunpaman, wala aniyang supply ng naturang bakuna dito sa Pilipinas dahil ang malaking bulto nito ay ibinibigay sa mga bansa sa Africa kung saan kasalukuyang lumalala ang pagkalat ng mpox.
Positibo naman si Domingo sa magiging tugon ng WHO; kung magbago na ang pokus nito at simulan ang global strategy laban sa mpox, simulan ang distribusyon ng smallpox vaccine, nakahanda aniya ang Pilipinas na tanggapin ito.
Sa kasalukuyan ay mayroon aniyang mga cold chain at supply chain facilities ang Pilipinas na unang ginamit noong kasagsagan ang pagkalat ng COVID-19
Una nang iniulat ng DOH na isang indibidwal na dito sa Pilipinas ang kumpirmadong may mpox, na agad namang isinailalim sa quarantine, kasama ang mga hinihinalang nakasalamuha.