-- Advertisements --

Magiging sapat na ang supply ng COVID-19 vaccines ng Pilipinas sa oras na simulan ng pamahalaan ang pagbibigay ng booster doses at karagdagang shots sa ilang sektor ng populasyon, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ilang milyong doses ng COVID-19 vaccines ang inaasahang ide-deliver sa bansa ngayong taon.

Sa darating na Nobyembre, aabot sa 20 hanggang 25 million doses ang inaasahang darating sa bansa.

Base sa datos ng National Task Force against COVID-19, kabuuang 97,678,340 vaccine doses ang dumating na sa Pilipinas.

Aabot naman na sa 56,202,893 vaccine doses ang naiturok na hanggang noong Oktubre 25, base na rin sa DOH COVID-19 vaccination dashboard.

Bagama’t aprubado na ng DOH ang pagtuturok ng booster doses at third shots, sinabi ni Vergeire na nasa planning stage pa rin sila sa kung paano ito isasagawa.

Bukod dito, bago pa man ipatupad ang naturang programa, kailangan din na magkaroon muna ng emergency use authorization mula sa Food and Drugs Administration.