-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na magpapatuloy pa rin ang mga benepisyo at serbisyo ng pinangangasiwaan nitong Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) mayroon man o walang subsidiya mula sa 2025 General Appropriations Act (GAA).

Sa isang statement, sinabi ng ahensiya na patuloy pa ring magiging available ang lahat ng inpatient, outpatient, at special benefit packages.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa na siya ring tumatayong Chair ng Philhealth Board, trabaho ng PhilHealth na bayaran ang mga benepisyong pangkalusugan ng mga miyembro nito, mayroon man o walang subsidiya mula sa General Appropriations Act.

Sinabi din ng kalihim na kanilang sinuri ang financial stataments ng Philhealth kasama na ang performance nito at kumpiyansa ang DOH na mayroon itong sapat na pera para ipagpatuloy at pagandahin pa ang kanilang operasyon.

Inihayag din ng ahensiya na simula noong Agosto 2024, inaprubahan na ng PhilHealth Board ang mga bago o pinahusay na benepisyo para sa hemodialysis, peritoneal dialysis, dengue, PhilHealth Konsulta, at heart attacks.

Inaprubahan din nito ang pagbabayad ng mga benepisyo para sa mga bihirang sakit, oral/dental health, physical medicine and rehabilitation kabilang na ang mga kagamitan tulad ng wheelchair, at kidney transplantation.

Nakasalang na rin aniya ang 5 pang bago o pinahusay na benepisyo para ma-aprubahan bago mag-Pasko, kabilang ang para sa emergency care, salamin para sa mga bata, pagtaas muli ng mga case rates, open heart surgery, heart valve repair o replacement, at cataract extraction lalo na sa mga bata.

Kaugnay nito, kumpiyansa ang DOH na may cash on hand ang PhilHealth para magpatuloy at mapabuti pa ang paghahatid ng mga benepisyo sa susunod na dalawa hanggang tatlong taon.

Una rito, pumalo sa P74 billion ang kabuuang halaga ng paggasta sa mga benepisyo ng Philhealth noong 2023 habang mula Enero 1 hanggang Setyembre 30 ng kasalukuyang taon, ang halagang ginugol para sa mga benepisyo ay nasa P135 billion.

Matatandaan, sa pagtatapos ng huling 2025 budget meeting ng bicameral conference committee noong nakaraang linggo, kinumpirma ni Senate Committee on Finance chair, Senator Grace Poe na walang inilaang subsidiya para sa Philhealth sa susunod na taon dahil mayroon pa umano itong P600 billion sa reserve funds.