-- Advertisements --
NTF PARANAQUE ASTRAZENECA
IMAGE | AstraZeneca COVID-19 vaccination in Paranaque City/NTF handout

MANILA – Tiniyak ng Department of Health (DOH) na maituturok ang 2.3-million doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines bago ang nakatakdang expiration nito sa susunod na buwan.

“Kaya natin kung may 1,000 vaccination sites ngayon at sabihin natin na 100 vaccinees per day, we can produce the numbers and jab yung 1.5-million (doses) hanggang end of June for the 2nd dose and 1st dose na remaining,” ani Health Usec. Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center.

Noong Sabado nang dumating ang shipment ng 2.3-million doses ng AstraZeneca vaccines, donasyon ng COVAX Facility ng World Health Organization (WHO).

Nakatakda raw itong mag-expire o mawalan ng bisa sa katapusan ng Hunyo.

Ang 500,000 doses mula sa dumating na shipment ng British vaccine ay bibigay bilang second dose ng mga naturukan ng unang dose ng AstraZeneca noong Abril.

Ang 1.5-million doses naman ay ituturok bilang first dose sa mga unang beses pa lang makakatanggap ng naturang bakuna.

Ayon kay Cabotaje, nakausap na ng ahensya ang mga regional offices para masigurong mairo-rolyo nila ang alokasyon ng AstraZeneca vaccines.

“Kumuha tayo ng commitment sa ating regional offices and LGUs. Ang problema noon, there was no vaccine available so medyo hesitant mag-start. Now that we have enough vaccines, I’m sure they will be happy to receive it.”

“Specifically sa mga areas na matataas (ang COVID-19 cases) kagaya ng Iloilo at Cagayan de Oro City. Even Zamboanga, they are needing more vaccines and I’m sure they will adjust their vaccine strategies.”

Nilinaw naman ng opisyal na hindi na matutuloy ang deadline na May 18 sa mga vaccination sites para maubos ang doses ng nasabing bakuna.

“Ginawa nating May 18 kasi yung first batch mayroong May 31 na expiring, we just wanted to make sure na kung mayroon man silang naiwan na vaccine from the (vaccines na mage-expire sa) May 31, ay magamit na nila.”

Sa ngayon may 13,920 doses ng AstraZeneca vaccines, na mula sa delivery noong Marso, ang hindi pa naituturok. Nakatakda itong mag-expire sa katapusan ng Mayo.