Tiniyak ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) sa mga mambabatas na mayroon itong mapagkukuhanan ng pondo para tugunan ang bagong variant ng COVID-19 kasama na ang pagbili ng bakuna para mabigyan ng proteksyon ang publiko.
Ito ang inihayag ng ahensya sa oversight hearing ng House Committee on Appropriations, kung saan inamin ng Vice-chair ng komite na si Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo na ikinagulat nito ang lumabas na ulat na walang pondo ang DOH para labanan ang ‘FLIRT’ variant ng COVID-19 na kumakalat ngayon sa iba’t ibang bansa.
Ayon kay Quimbo malaki ang unutilized funds ng DOH.
Tinukoy ni Quimbo ang quick response fund at pondo ng communicable disease program na hindi pa nagagamit.
Pagsiguro pa ni DOH USec. Achilles Gerard Bravo sa komite na handa ang ahensya na i-adjust ang pondo nito upang magamit ayon sa pangangailangan ng bansa.
Paliwanag pa ni Bravo, sa kasalukuyan kanilang kino collate ang lahat ng resources ng DOH kung ilang savings at CONAP ng iba pang programa at saka sila mag desisyon kung ano ang kanilang bigyang prayoridad.
Sinabi ni Rep. Garin na imbes na mag-panic, ang dapat gawin ay maghanda laban sa “FLIRT” variant.
Giit pa ng Iloilo solon na maraming hamon sa pagpapatupad ng border control kaya’t mas maigi na pagtuunan na lamang ng pansin ang pagbabakuna at pagtiyak na mayroong access ang publiko sa pneumonia at flu vaccines.
Pinatitiyak ni Garin, isang doktor at kalihim ng DOH, ang pagbibigay ng libreng pagpapa-ospital at pagpapagamot ng mga health care workers at mga immunocompromised na indibidwal.
Pinabulaanan din ni DOH Assistant Secretary Albert Francis Domingo, ang lumabas na ulat na walang budget ang ahensya para sa mga bagong COVID-19 vaccine.