Naninindigan ang Department of Health (DOH) sa importansya ng pagpapabakuna sa mga senior citizen bilang proteksyon sa mga kumakalat na sakit.
Ito ang naging mensahe ng ahensya, kasabay ng pag-obserba sa sa World Pneumonia Day.
Nanguna sa event si DOH Usec. Enrique Tayag, lalo’t ito ang unang anibersaryo ng Raising Awareness on Influenza to Support Elderlies (RAISE).
Sa nabanggit na aktibidad, muling siniguro ng DOH at stakeholders ang commitment nila sa pagtutulungan upang pangalagaan ang kalusugan ng mga nakatatanda sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Kasama ng DOH ang Philippine Foundation for Vaccination Inc, National Institutes of Health-Institute of Aging Health at Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases Inc. na sumusuporta sa naturang programa.
Nabatid na kabilang ito sa programa ng DOH na 8-Point Action Agenda sa pag-iwas sa sakit, kung saan dito tututukan at poprotektahan ang kalusugan ng mga nakakatanda sa pamamagitan ng pagbabakuna kontra sa mga sakit.
Maging ang flu-like symptoms anila ay mahalagang obserbahan, upang hindi humantong sa seryosong banta sa kalusugan ng mga nakakatanda.