Tinukoy ng Department of Health (DOH) ang potensiyal na mga banta sa kalusugan kasunod ng pagsabog ng bulkang Kanlaon sa Negros Occidental.
Kabilang dito ang respiratory illnesses kung saan maaaring magdulot ng iritasyon sa respiratory tract ang abo mula sa bulkan lalo na sa mga indibidwal na may pre-existing conditions tulad ng asthma, chronic obstructive pulmonary disease o kahalintulad pa na sakit.
Maaari ding makaranas ng iritasyon sa mata kung saan maaaring magdulot ang ash particles ng pamumula, pangangati at pananakit ng mata.
Gayundin maaaring makaranas ng iritasyon sa balat kung saan maaaring humantong sa mga pantal sa balat kapag matagal na nalantad sa abo. Maaari ding magdulot ng kontaminasyon sa tubig kung saan napapataas ng ashfall ang banta ng waterborne diseases.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DOH ang Centers for Health Development (CHDs) o regional offices nito na tiyaking may sapat na suplay ng N95 masks, eye protection o goggles, water purification tablets o filters, medicines, hand sanitizers at antiseptic wipes.
Gayundin ang pagpapaigting pa ng surveillance, paghahanda para sa posibleng disruptions at pataasin ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensiya.
Magpapatupad din ang Centers for Health Development ng cluster approach para sa paghahatid ng emergency services para sa medical at public health, water, sanitation, and hygiene (WaSH); nutrition, and mental health and psychosocial support (MHPSS).
Pinaalalahanan naman ng DOH ang mga ospital at health facilities malapit sa bulkang Kanlaon na iprayoridad ang pag-admit sa mga buntis na nasa kanilang ikatlong trimester particular na ang nasa panganib ng komplikasyon.
Samantala, sa isang statement, pinayuhan ni DOH Sec. Ted Herbosa ang mga malapit sa bulkang Kanlaon at posibleng dadaanan ng hangin na makinig sa abiso mula sa state weather bureau at ng kanilang mga lokal na pamahalaan dahil sa posibleng banta ng ashfall at lahar.
Dagdag pa ng DOH chief na kapag ang isang lugar ay apektado ng ash fall dapat aniyang manatili na muna indoor o sa loob ng bahay. Isara ang lahat ng pintuan at bintana. Gumamit ng N95 masks kung meron o anumang medical mask o folded clothes.
Gumamit din ng proteksiyon sa mata gaya ng goggles. Huwag maghugas ng tubig na maaaring kontaminado ng abo mula sa bulkan. Maghugas ng kamay ng regular gamit ang sabon at malinis na tubig.
Sa pagkain naman, hugasan at linising maigi ang prutas at gulay na maaaring na-expose sa abo mula sa bulkan. Magpatingin sa doktor sakaling nahihirapang huminga o mgkaroon ng problema sa mata.