Tututukan ngayon ng Department of Health (DOH) ang paghahatid ng primary health care sa mga komunidad o purok level.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpapalakas pa ng PuroKalusugan program nito at pagbubukas ng BUCAS centers o Bagong Urgent Care and Ambulatory Service centers sa mga lugar sa bansa na hindi naaabutan ng serbisyo.
Sa isang event, ibinahagi ni Health Secretary Ted Herbosa na pinabibilisan ng DOH ang pagtatayo ng BUCAS centers sa pakikipag-partner sa mga pribadong sektor.
Aniya, noong simulan ang pagpapatayo ng mga BUCAS centers noong nakalipas na taon,inisyal niyang inihayag na nasa 28 BUCAS centers ang ipapatayo para maserbisyuhan ang 28 milyong mahihirap na mga Pilipino pagsapit ng 2028 subalit makalipas pa lamang ang 9 na buwan, naitatag na ang 46 BUCAS centers sa buong Pilipinas.
Nauna na ngang inilunsad ang unang BUCAS center noong Marso 6 na layuning matugunan ang ambulatory medical at surgical needs ng mga Pilipino.
Kaakibat ng BUCAS centers ang inilunsad na PuroKalusugan program kung saan nagbabahay-bahay ang barangay health workers (BHW) at purok leaders para tukuyin ang mga indibidwal na nangangailangan ng medical care, pagbabakuna at follow-up checkups. Sa ganitong paraan, ayon sa pamahalaan, masisigurong makakatanggap ng bakuna ang mga sanggol, makakakuha ng maayos na medikasyon ang mga senior citizen at makakatanggap ng atensiyong medikal ang mga indibidwal na may chronic illnesses.