-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY- Umapela ang Department of Health Region 2 sa publiko na huwag magpakalat ng “fake news” ukol sa novel coronavirus.

Ginawa ni Pauline Atal ng DOH Region 2 ang apela matapos na kumalat sa social media na nCov ang sakit ng Chinese na nagpagamot sa isang ospital sa Santa Ana, Cagayan kamakailan.

Ayon kay Atal na hindi nCov ang sakit ng intsik na nakaranas ng sipon, ubo at pananakit ng lalamunan.

Sinabi pa ni Atal na nakabalik na ng China ang nasabing dayuhan na bumisita sa kanyang pamilya sa Santa Ana.

Samantala, sinabi ni Atal na naglagay na sila ng hand sanitizers, multivitamins at face mask sa paliparan sa Tuguegarao City at Lallo bilang paglaban anumang virus.

Bukod dito, binabantayan din ang mga bus terminal at ang Port Irene sa Aparri para sa mga turista na papasok ng lalawigan upang matiyak na wala silang dalang nCov.

Idinagdag pa ni Atal na magsasanay din sila ng karagdagang tauhan na magsasagawa ng pagsusuri sa mga dayuhan na punmapasok sa Region 2 lalo na ang mga Chinese na pumupunta sa Santa Ana na dinadayo ang mga casinos doon.

Sinabi din niya na nakahanda na rin ang isolation room sa CVMC para sa sinuman na makikitaan ng simtomas ng nCov.