MANILA – Nagbanta ang Department of Health (DOH) na kakasuhan ang mga healthcare workers na mapapatunayang sinadya ang pagkakamali sa pagtuturok ng COVID-19.
“Kung ito ay intensyonal, diyan talaga we will penalize,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.
Ang pahayag ng opisyal ay bunsod ng mga nagsulputang video sa social media ukol sa mga nagkamali umano ng pagtuturok sa COVID-19 vaccine.
Gayunpaman, dinipensahan ni Vergeire ang mga vaccinator na nakuhanan ng video.
“Itong mga nagbabakuna sa atin ay experts na kasi dekada na ang binibilang sa ginagawa nilang pagbabakuna.”
“We can see that wala namang masamang intensyon, these are just human errors na we want to improve in the coming days.”
Isinailalim na raw ng Health department sa re-orientation ang mga vaccination sites para masigurong hindi na mauulit ang mga insidente ng pagmimintis sa pagbabakuna.
Ayon kay Vergeire, aktibong sumasailalim sa orientation ang vaccinators tuwing dumadating ang mga bagong shipment ng bakuna.
“We do not intend to penalize anybody, iniimbestigahan natin lahat yan para maging mas mabuti ang ginagawa natin.”
MANDATO NG MGA LGU
Pinaalalahanan ng ahensya ang mga local government unit na tiyaking nabibigay nila ang pangangailangan ng mga healthcare workers sa vaccination sites.
“Kailangan may rotation tayo, may enough rest ang ating healthcare workers so we can minimize the errors sa proseso natin.”
Paliwanag ni Vergeire, “supplemental” o karagdagang pwersa ng healthcare workers lang ang inilalaan ng DOH Central Office sa LGU vaccination sites, kaya responsibilidad pa rin ng mga lokal na opisyal na asikasuhin ang kanilang mga bakunador.
Vergeire to LGU's: Be aware sa pangangailangan ng mga bakunador na kailangan may rotation, enough rest ang healthcare workers to minimize errors sa proseso natin. | @BomboRadyoNews
— Christian Yosores (@chrisyosores) July 2, 2021
Nangako na raw ang pribadong sektor na maglalaan din sila ng healthcare workers sa kanilang mga vaccination sites.
“Ito ay magiging mas malaking tulong sa ating pagbabakuna, especially to our LGU’s.”
Suportado ng DOH ang mga panukala na masilip ng indibidwal ang ang hiringilya bago at pagkatapos siyang turukan para masigurong nakatanggap nga ito ng bakuna.
“Kung sa tingin ng vaccination sites na mas makakabuti na ipakita sa ating mga kababayan ang hiringilya bago at matapos iturok, ito ay aming susuportahan.”
“Kung gagawin ng vaccination sites para sa ikapapanatag ng ating mga kababayan, we can do that.”