Iginiit ng Department of Health (DOH) na wala pang inaaprubahan ang Food and Drug Administration (FDA) na anumang self-administered test kits para sa COVID-19.
Sa isang pahayag, nagbabala rin ang DOH laban sa mga nagbebenta ng ganitong mga produkto.
Hinimok naman ng kagawaran ang publiko na agad itong ipagbigay-alam sa mga tanggapan ng FDA upang magawan ng karampatang aksyon.
“The DOH cautions the public against sellers who claim to sell such products and strongly urges the immediate reporting of such to the FDA,” anang DOH.
Muli ring inihayag ng DOH na bagama’t importanteng hakbang ang testing para sa COVID-19 response, ang pagsunod sa minimum public health standards pa rin ang pinakamabisang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.