MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa ring kaso ng “community transmission” kahit may mga indibidwal nang tinamaan ng mas nakakahawang UK variant ng SARS-CoV-2 virus.
Pahayag ito ng ahensya matapos kumpirmahin nitong Lunes na may “local transmission” na ng bagong variant sa Bontoc, Mountain Province.
“Mayroong ebidensya that there’s ongoing local transmission in Bontoc, meaning kapag nakita na ang isang local case ay nanghawa ng isa pang local case. Nae-establish pa natin kung saan ang sources of infection at paano ang pagkakadugtong-dugtong ng kaso to each other,” ani Dr. Alethea de Guzman, Medical Specialist IV ng DOH Epidemiology Bureau.
Paliwanag ng opisyal, nakahanay sa tatlong batayan ng World Health Organization (WHO) ang pagde-deklara nila ng community transmission.
Una ay kung marami nang naitatalang kaso ng UK variant; at kapag kumalat na sa iba’t-ibang “cluster” o lugar ang impeksyon.
Pati na kung wala ng ebidensya na konektado pa rin ang mga kaso ng sakit sa isang lugar.
“Oo medyo maraming kaso pero lahat ng kasong ito ay nanggagaling lang sa iisang cluster. Hindi siya yung iba-ibang cluster na nangyayari sa isang lugar (And) nako-konekta pa natin lahat ng kaso to each other.”
“Hindi naman na-fulfill yung three metrics… there’s no evidence that there is community transmission.”
INDEX CASE
Apat na hanay mula sa 17 UK variant cases ang binabantayan ngayon ng Health department.
Kabilang na dito ang 12 kaso sa Mountain Province; ang lalaking pasahero mula United Arab Emirates; ang dalawang returning overseas Filipino mula Lebanon; at ang tig-isang local cases sa La Trinidad, Benguet at Calamba, Laguna.
Aminado si Dr. De Guzman na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw kung sino ang “index case” o pinagmulan ng UK variant sa bansa.
Kung titingnan ang datos ng 12 kaso sa Bontoc, lahat sila ay na-uugnay sa mag-asawang dumating ng bansa mula United Kingdom noong December 11, 2020.
Negatibo ang naturang mag-asawa sa UK variant, kahit pa nag-positibo sa COVID-19 ang lalaki noong December 29.
“We’re not yet concluding that he is the source. Inaalam pa kung sino-sino yung mga nakasalamuha. The fact na siya ay nag-positibo pero hindi sa UK variant, nagpapakita na ang isang source of infection niya ay locally.”
Anim na iba pang close contacts ng naturang lalaki ang negatibo sa UK variant. Hinihintay naman ang resulta ng sequencing ng 28 iba pa.
“The department is currently doing backtracing of our cases to identify other potential sources of infection.”
DUBAI, LEBANON TRAVELERS; ‘LOCAL CASES’
Kumpleto naman na ang close contacts ng lalaking pasahero mula UAE, matapos matunton ng National Bureau of Investigation ang dalawang kapwa pasahero nito pabalik ng Pilipinas.
Ang dalawang returning overseas Filipino’s mula Lebanon, nakatakdang isailalim sa re-swabbing.
Mula sa 283 na kapwa nila pasahero, apat ang nag-positibo sa COVID-19 at 228 ang negatibo.
“We are verifying laboratory status of the other 51 passengers and 19 flight crew,” ayon sa DOH announcement.
“Once the laboratory status of the remaining passengers and crew have been verified, the DOH will prioritize the sequencing of the specimens of the 4 positive passengers.”
Samantala, bini-beripika pa ng ahensya kung talagang walang travel history ang tig-isang local case sa Benguet at Laguna.