-- Advertisements --

Nanindigan ang Department of Health na wala pang nangyayaring community transmission ng mas nakahahawang variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa kabila ito ng naitalang walong bagong kaso ng B.1.1.7 variant.

Ayon sa DOH, wala pa umanong matibay na ebidensya ang magpapatotoo na mayroon nang community transmission ng UK variant sa bansa.

“We do not have strong evidence yet to conclude that there is community transmission. We continue to closely coordinate with the LGUs [local government units] of CAR [Cordillera Administrative Region] in addressing the situation,” mensahe ng DOH sa mga mamamahayag.

Nitong Biyernes nang inilahad ng kagawaran na umakyat pa sa 25 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng UK variant.

Walo sa mga ito ang iniulat na nanggaling sa Bontoc, Mountain Province.

Una na ring sinabi ng mga kinauukulan na masyado pa raw maaga para sabihing mayroon nang community transmission ng naturang variant, na pinaniniwalaang 70% mas nakahahawa.

Sa ngayon, dapat daw munang hintayin ang kalalabasan ng imbestigasyon ng mga eksperto.