Iniulat ng Department of Health (DOH) na walang nakitang malaking pagtaas sa mga naitatalang bagong COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) cases sa harap ng kaliwa’t kanang political events kaugnay sa nalalapit na halalan.
Pero ayon kay DOH spokeserson Usec. Maria Rosario Vergeire, kailangan pa ring mag-ingat ang lahat at manatiling nakasuot ng face mask sa lahat ng oras.
Ngayong araw nagsimula na ang pormal na pangangampanya ng mga kandidato sa mga local positions.
Pero bago ito, nauna nang nag-ikot sa buong bansa ang mga kandidato naman sa national positions para suyuin ang taongbayan sa kanilang boto sa May 9 elections.
Ilan nang campaign sorties ng iba’t ibang national candidates ang dinaluhan ng ilang libong mga supporters.
Isa rito kung maaalala ang nagpabilib sa American pop star na si Ariana Grande sa “PasigLaban” rally ng presidential bet na si Vice President “Leni” Robredo.
Mismong ang 28-year-old pop star ang nagbahagi partikular sa tinatawag na IG Story ang video na nagpapakita ng naturang rally kung saan tampok ang kanyang awitin na “Break Free.”
May mga impormasyon na humigit-kumulang 100,000 ang nagsipagdalo bilang pakikiisa kay Leni at sa ka-tandem nito bilang bise presidente na si Sen. “Kiko” Pangilinan kung saan nangibabaw ang kulay pink sa Emerald Avenue sa Pasig City.