Walang pondo na nakalaan ngayong taon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA) para sa pagbili ng bagong bakuna kontra sa bagong FLiRT variants na kumakalat ngayon sa ibang mga bansa ayon sa Department of Health (DOH).
Ang mga bakuna ay nakikita ngang mahalaga para sa kaligtasan at proteksiyon ng nakatatandang populasyon gayundin ng mga indibidwal na mayroong compromised immune systems mula sa mabilis na pagkalat ng Flirt variants na bagamat hindi ikinokonsiderang nakakamatay ay nagdudulot ng pangamba ng posibleng pagkabuhay ng COVID-19, apat na taon ang nakakalipas mula ng tumama ito noong 2020.
Ipinaliwanag naman ni Health spokesperson at ASec. Albert Domingo, humina na sa paglipas ng panahon bagamat hindi naman tuluyang nawala ang immunity ng publiko mula sa virus dahil sa original primary series ng COVID-19 vaccines at booster shots.
Ayon pa sa opsiyal na ang budget allocations para sa COVID-19 vaccinations ay ibinase sa assessment ng pangangailangang pangkalusugan ng publiko kung saan pagdating sa severity ng kaso, mild lang kaya hindi pa urgent na maglaan ng pondo at bumili ng bagong bakuna tulad noon.
Samantala, nakadepende naman ang DOH sa mga donasyon kabilang ang 1 million doses na ipinangako ng Gavi Vaccine Alliance, isang global health partnership na binuo para magbigay ng equal access sa bago at underused vaccines para sa mga bata na naninirahan sa mahihirap na bansa.
Nakatakdang dumating ang unang tranche ng 500,000 bakuna sa ikalawang kwarter ng 2024.