-- Advertisements --
bantag

Aminado ang Department of Justice na talagang mahirap matukoy ang eksaktong lokasyon ni dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag dahil sa lawak ng mga network of friends at associates nito.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hindi maikakaila na miyembro si Bantag ng PNP Class 1996.

Ito aniya ang dahilan kung bakit marahil ay marami itong kaibigan na nagtatrabaho sa Police Force.

Naniniwala rin ang kalihim na posibleng tinutulungan ng ilan sa mga ito si Bantag sa kanyang kinakaharap na kaso.

Paliwanag pa ni Remulla, mahirap ang trabaho ng kanilang ahensya ngunit siniguro nito na hindi sila susuko hanggat hindi nahuhuli si Bantag.

Kinakailangan rin talaga aniya ng mahabang pasensya bago makamit ang inaasam na resulta.

Una ng sinabi ni Remulla na kinakailangan munang magsagawa ng case build up ang kanilang ahensya upang maging matibay ang kaso laban kay Bantag at sa dati nitong Deputy officer na si Ricardo Zulueta.

Si Gerald Bantag ang itinuturong utak sa kaso ng pagpatay sa broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid noong nakaraang taon.

Si Lapid ang masugid na kritiko ni Bantag kayat ito ang isa sa tinitingnan na motibo sa pagpatay.

Sangkot rin umano si Bantag at Zulueta sa pagpatay sa tumayong middleman na si Jun Villamor.

Pinatay si Villamor sa loob ng Bilibid sa pamamagitan ng pagsuklob ng plastic sa kanyang ulo

Magugunitang namang naglabas na rin ng tatlong milyong pabuya ang Department of Justice sa kung sino man ang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Bantag at Zulueta.