-- Advertisements --
doj GUEVARRA
doj GUEVARRA

Nakatakda na raw makipagpulong ang Department of Justice (DoJ) sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) para i-assess ang mga nagaganap na patayan sa bansa o sinasabing extra judicial killings (EJK).

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, makikipag-ugnayan na ito sa IBP para pag-aralan ang mga hakbang kaugnay ng patayang nagaganap sa hanay ng legal profession o ang mga pinapatay na mga abogado at huwes sa bansa.

“It’s about time that we meet with the IBP to assess the situation and coordinate our actions,” ani Guevarra.

Una rito sinabi ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) na 54 na ang mga namatay na mga abogado at huwes mula noong 2016 o sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Kaya naman oras na raw para makipagpulong ang DoJ sa IBP at tuluyan nang matuldukan ang nangyayaring patayan sa bansa.

Una rito, nagtungo kahapon ang grupo ng mga abogado sa Korte Suprema para ipanawagan na aksiyunan ang nangyayaring pagpatay sa mga abogado sa bansa.

Iginiit ng grupo na sa ilalim ng United Nations Basic Principles on the Role of Lawyers, kasama sa mandato ng pamahalaan na siguruhin na nagagampanan ng mga abogado ang kanilang trabaho nang walang pananakot o harassment.

Nag-ugat ang panawagan ng grupo sa lumabas na resulta ng DNA test na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa bangkay na natagpuan noon sa Tarlac.

Lumalabas na ang natagpuang bangkay ay ang katawan ni dating Court of Appeals (CA) Justice Normandie Pizarro.

Sinabi naman ni Guevarra na sa ngayon ay isa sa mga sinisilip ng NBI na anggulo sa pagpaslang kay Pizarro ay ang naging trabaho niya noong sa CA.