Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police (PNP) na gumawa ng mga hakbang upang masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng mga piskal sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa ceremonial signing ng Department of Justice–National Prosecution Service (DOJ-NPS) Rules on Criminal Investigation, binigyang-diin ni PBBM ang mahalagang papel ng mga piskal sa pagsusulong ng katarungan sa bansa.
Ibinida ng punong ehekutibo na pumapasok na ang bansa sa bagong yugto ng pagpapatupad ng batas at pag-uusig o prosekusyon.
Binigyang-diin pa ng Presidente na ang bawat kasong hinahawakan, bawat desisyong ginagawa, at bawat repormang isinusulong ay may malaking epekto sa buhay ng bawat Pilipino at sa hinaharap ng bansa.
Kasabay nito, nagpasalamat din ang Pangulo sa Korte Suprema sa pagbibigay ng kapangyarihan sa ehekutibo upang bumuo ng mga panuntunan sa criminal investigation, kasabay ng pagkilala sa mga pagsisikap ng lahat na nagtrabaho upang maging posible ito.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, titiyakin ng mga bagong tuntunin at pamamaraan ang katarungan at tamang proseso habang pinoprotektahan ng pamahalaan ang lahat ng mamamayan nito, kabilang ang mga nasasakdal, at pananagutin ang mga nagkasala.