Inihahanda na ngayon ng Department of Justice at Office of the Solicitor General ang isang legal briefer para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa gitna ito ng inaasahang paglalabas ng warrant ng International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga kasamahan nito anumang oras.
Ayon kay Justice Asec. Mico Clavano, ang inahandang legal briefer ng kanilang ahensya ay layuning magbigay ng opsyon kay Pangulong Marcos Jr. na kaniyang maaaring pagpilian sakaling magtupad na ng warrant ng ICC.
Aniya, sa ngayon ay nananatiling confidential ang mga nilalaman ng naturang briefer ngunit bahagi nito ay ang pros and cons nang muling pagsali ng Pilipinas sa Rome Statute.
Gayunpaman ay muli pa ring binigyang-diin ng pamahalaan na sa kabila nito naninindigan pa rin ang Marcos Jr. administration na hindi nito kikilalanin ang ICC sapagkat nananatiling may sapat na kakayahan pa rin ang gobyerno ng ating bansa na papanagutin ang sinumang nagkasala, maging ang mga dating opisyal ng gobyerno.
Kung maaalala, una nang sinabi ni dating Senator Antonio Trillanes IV na batay sa kaniyang mapagkakatiwalaang Source ay posibleng maglabas na ng arrest warrant ang ICC laban kay Duterte pagsapit ng mga buwan ng Hunyo o Hulyo ng taong kasalukuyan.