Pinakilos na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang kanyang tanggapan upang alamin ang katotohanan sa umano’y naiulat kamakailan na pagpapakamatay ng dating Wirecard executive na si Christopher Reinhard Bauer.
Kung maalala ilang bangko sa Pilipinas ang nakaladkad sa umano’y multi-billion dollar fraud na kinasangkutan ng nasabing German payment firm.
Ayon kay Guevarra, humihingi sila ngayon ng death certificate sa likod nang pag-suicide raw ng dating top official ng naturang kompaniya.
Sinabi pa ni Guevarra, patuloy pa kasi ang ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation at Anti-Money Laundering Council sa naturang iskandalo.
Kung maalala una nang napabalita na ibinulgar ng Wirecard AG na ang nawawalang $2.1 billion ay napunta raw sa dalawang bangko sa Pilipinas.
Pero mismong ang Bangko Sentral ng Pilipinas at ang dalawang bangko sa bansa ay mariing itinatanggi na pumasok ang bilyong bilyong dolyar sa financial system sa Pilipinas.
Nabanggit na rin ni Guevarra na maging ang sinasabing pagtungo raw sa Pilipinas ng ilang beses ng dating operating officer ng Wirecard na si Jan Marsalek ay pineke lamang ang travel records.