Binigyang diin ng Department of Justice (DOJ), na ang Pilipinas ay may gumaganang sistema ng hustisya at may kakayahang magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon bilang tugon sa desisyon ng International Criminal Court (ICC) na ipagpatuloy ang pagtatanong nito sa brutal na drug war ng administrasyong Duterte.
Sa isang media forum, sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano na dapat hayaan ng ICC na resolbahin sa Pilipinas sa pamamagitan ng internal mechanisms nito ang mga isyung may kinalaman sa nakamamatay na anti-narcotics campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang sitwasyon umano ng Pilipinas ay hindi maihahambing sa Uganda, Congo, at Sudan na mga bansang nauna nang inimbestigahan ng International Criminal Court o ICC.
Kung matatandaan, sinabi ng ICC Pre-Trial Chamber noong Enero 26 na inaprubahan nito ang kahilingan ni ICC Prosecutor Karim Khan na ipagpatuloy ang pagsisiyasat nito, dahil hindi kasiya-siya ang pagsisikap ng Maynila na imbestigahan at usigin ang mga sinasabing krimen laban sa sangkatauhan sa Pilipinas.
Inalis ni Duterte ang Pilipinas sa ICC noong 2019 matapos simulan ng korte na nakabase sa Hague ang isang paunang pagsisiyasat sa pagsugpo sa droga, na sinundan ng paglulunsad ng isang pormal na pagtatanong sa huling bahagi ng taong iyon.
Ngunit ang pagsisiyasat ay nasuspinde noong Nobyembre 2019 matapos sabihin ng gobyerno ng Pilipinas na muling sinusuri ang ilang daang kaso ng operasyon ng droga na humantong sa pagkamatay sa kamay ng mga pulis, hitmen, at vigilante ng bansa.