-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Justice na bubuo sila ng mga magagaling na prosecutors upang depensahan ang gobyerno laban sa consolidated habeas corpus na inihain ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Korte Suprema.

Sa isang panayam ngayong araw sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni SOJ Jesus Crispin Remulla na naghahanda sila sa posiibilidad ng pagkakaroon ng oral argument hinggil sa legalidad ng pag-aresto sa dating pangulo.

Ang pahayag na ito ay ginawa ng kalihim matapos na tumanggi ang OSG na kumatawan sa gobyerno para sumagot sa subpoena ng Korte Suprema hinggil sa petition for habeas corpus na inihain ng magkakapatid na Duterte.

May basbas na rin aniya ang kanilang ginawang pag-take over sa OSG mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin.

Naniniwala si Remulla na ang gobyerno ay may sapat na kakayahan upang depensahan ang Pilipinas sa posisyon nito .

Panahon na rin aniya na igiit ang kanilang identity sa mamamayang Pilipino bilang abogado ng taong bayan at ng republika.

Sa kabila ng naging desisyon ng OSG , nilinaw ni Remulla na wala silang conflict o gusot ni Solicitor General Menardo Guevarra.

Bagamat hindi aniya nilinaw sa kanya ni Guevarra kung ano ang dahilan ng kanyang pag-atras habang iginiit ng kalihim na hindi maaaring masayang ang resources ng gobyerno ngayong panahon.