Papasok na rin ang Department of Justice (DoJ) sa imbestigasyon sa pagpatay kaninang umaga lamang sa radio broadcaster na si Dindo Generoso.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ayaw na umano niyang maulit pa ang naturang insidente kayat agad niyang ipag-uutos ang pagbuo ng special investigating team na mag-iimbestiga sa krimen.
Ang kalihim na chair din ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ay mag-iisyu daw ng order para mabuo ang special investigating team.
Posible namang magpatulong ang DoJ sa National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon.
Ang 67-anyos na radio block timer ay binaril ng mga armadong kalalakihan sa Hibbard Avenue, Barangay Piapi sa Dumaguete City, Negros Oriental dakong alas-7:30 kaninang umaga.
Ayon sa National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), si Generoso ang ikalawang mamahayag na napatay kasunod ng pagpatay sa radio broadcaster ding si Edmund Sestoso noong April 30, 2018 sa Dumaguete City.
Ayon sa Dumaguete City Police, nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan ang biktima.
Blangko pa ang mga pulis sa tunay na motibo sa krimen.
Ang broadcaster ay tumakbong alkalde noong 2016 sa naturang lugar pero natalo.