Buo ang tiwala ng Department of Justice na pagtitibayin ng korte sa Timor Leste ang inihain nilang extradition request laban kay dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr.
Ginawa ng ahensya ang pahayag, matapos na sabihin ng kampo ng dating mambabatas na muli silang naghain ng motion for reconsideration nitong Biyernes ng nakaraang linggo.
Layon nito na baliktarin ang naunang desisyon ng korte sa East Timor na pumabor sa kahilingan ng Pilipinas na pauwiin ng bansa si Teves.
Ayon kay Justice Asec. Mico Clavano, kinukwestyon ng kampo ni Teves ang merito ng kaso na inihain laban sa kanya.
Si Teves ang pangunahing utak umano ng pagkamatay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pang nadamay sa pamamaril.
Dahil dito, patong -patong na kaso ang kinakaharap niya sa bansa kabilang na ang murder, frustrated murder at attempted murder.
Patuloy namang itinatanggi ni Teves ang kanyang pagkakasangkot sa kaso ng pagpatay kay Degamo.
Una na siyang sinabi na hindi siya babalik sa Pilipinas dahil na rin sa takot nito sa kanyang seguridad.