Duda si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na bibigyan ng US ng political asylum si retired Police Col. Royina Garma na kasalukuyang nakadetine doon sa ilalim ng Magnitsky Act dahil sa kaniyang umano’y pagkakasangkot sa money laundering at mga paglabag sa karapatang pantao.
Paliwanag ng DOJ chief na nasa hot list na noon pa si Royina. Aniya, maling hakbang sa parte ng dating PCSO general manager na pumunta ng US dahil nasa money-laundering list na siya ng Amerika bago pa man dumating doon.
Ginawa ng kalihim ang pahayag nang matanong kung nag-apply ng political asylum si Garma sa US.
Sa ngayon, ayon sa kalihim hindi naglagak ng piyans si Garma bagamat kumuha ito ng mga abogado sa Amerika.
Wala namang natatanggap pa ang DOJ na anumang formal communication mula sa US kaugnay sa status ngayon ni Garma.
Hindi pa din aniya hiniling ng PH ang pagbalik ni Garma sa PH dahil sa kawalan ng anumang official updates sa kaniyang kaso doon.
Matatandaan, inaresto si Garma kasama ang kaniyang anak na babae noong Nobiyembre 7 sa San Francisco, California matapos na mapaulat na nakansela ang kaniyang visa dahil sa isyu sa karapatang pantao.
Bago naman lumipad patungong US si Garma, naging kontrobersiyal ito matapos ang kaniyang mga rebelasyon o testimoniya sa pagdinig ng Kongreso sa drug war killings kung saan ibinunyag ni Garma na inatasan umano siya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na maghanap ng police officer na mangunguna sa kaniyang nationwide drug war na pareho sa Davao model.
Habang sa pagdinig naman sa Kamara, nadawit ang pangalan ni Garma sa pananambang at pagpatay kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary Wesley Barayug noong July 2020.
Sa kasalukuyan, base sa progress report ng House Quad Committee, inirekomenda ng mga mambabatas ang paghahain ng samu’t saring kaso laban kay Garma kabilang ang kasong murder dahil sa kaniyang pagkakasangkot umano sa pagpatay sa 3 presong Chinese national sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016.