Naniniwala si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na nagtagumpay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makumbinsi ang Indonesia na hindi susuko ang Pilipinas sa ating apela na maibalik si Veloso sa bansa.
Inihayag din ng kalihim na sakali man na hilingin ng Indonesian government bilang kondisyon na isilbi pa rin ni Veloso ang kaniyang life sentence, kaniya umano itong isisilbi subalit mariin aniyang tinututulan ang death penalty.
Ipinunto naman ng DOJ chief na ang pagpayag ng Indonesia na magkaroon ng legal na hurisdiksiyon kay Veloso ay isa aniyang magandang sinyales na nakikipagtulungan nang maayos ang PH sa Indonesia.
Ipinaliwanag naman ni Sec. Remulla na sa oras na maiuwi na sa Pilipinas si Veloso, sakop na ito ng criminal justice system ng bansa. Ipapaubaya naman aniya nila sa mandato ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkuha kay Veloso sa airport subalit bago ito ay kailangan munang magkaroon ng diskusyon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Posible naman aniya na sa Women Correctional Institution for Women sa Mandaluyong city dalhin kung sakali si Veloso subalit sinabi din ni Sec. Remulla na kanilang ikokonsidera ang mga iniindang sakit ni Veloso para sa pagkustodiya sa kaniya.