Naniniwala si Justice Sec. Menardo Guevarra na makatutulong pa rin sa imbestigasyon ang ikalawang autosy sa bangkay ni Christine Dacera kahit naembalsamo na ito.
Pahayag ito ni Guevarra matapos nitong atasan ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng ikalawang autopsy sa labi ni Dacera, na natagpuang patay sa loob ng isang hotel sa lungsod ng Makati noong Enero 1.
Ayon kay Guevarra, nagtungo na sa General Santos City ang mga tauhan ng NBI upang kumuha ng tissue samples sa katawan ni Dacera.
Inamin naman ng kalihim na mahirap na ang pagsasagawa ng ikalawang autopsy dahil sa estado ng labi nito.
“Totoo yun na medyo mahirap na, pero… possible pa. Kaya nga sila nagpunta roon. Kasi kung tingin nila ay wala nang pag-asa na may makuha pa dahil na-embalsamo na, e hindi na sila magtitiyaga na pumunta pa roon,” wika ni Guevarra sa isang panayam.
Kabilang din aniya sa inaasahang makikita ang bakas ng alak at droga sa bangkay ni Dacera.
“That is still a possibility although mas mahirap ngayon dahil nga na-embalsamo na pero I think they have the technology para makita pa rin kung meron bang illegal substance or sobrang alcohol na nasa katawan ni Christine nung time na siya ay mamatay,” ani Guevarra.
Binigyan naman ng ng kalihim ang NBI ng 10 araw para magsumite ng ulat tungkol sa ikalawang autopsy ni Dacera.
Una rito, sinabi ni forensic pathologist Dr. Raquel Fortun na huli na upang magsagawang muli ng autopsy sa labi nito.
“If your purpose in doing a second examination is to swab, surfaces for sexual assault examination, DNA, halimbawa, that’s too late,” ayon kay Fortun.
“You cannot do it anymore so I’m not sure what is the purpose of this examination. I’m very curious totoo bang mayroong aneurysm? Mache-check mo ba ang ibang organs for natural disease or is this a way for them to go back, ‘Uy teka nakalimutan namin kumuha ng ng tissue samples?’” dagdag nito.