-- Advertisements --

Naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na dapat ay magkaroon ng mas mahigpit na kontrol ang Department of Justice (DOJ) sa Bureau of Corrections (BuCor).

Bunsod nito ay suportado ni Drilon ang panukalang pag-amyenda sa Republic Act No. 10575 na nagbabawas ng kontrol ng DOJ sa BuCor.

Sa isang pahayag, sinabi ng senador na dapat daw sisihin ang umano’y mga tiwaling opisyal ng BuCor sa mga sinasabing kurapsyon sa ahensya.

“It is time to give more teeth to the [Department of Justice]. There are a number of critical agencies over which the department has limited to zero control,” wika ni Drilon.

“Ang unahin natin yung batas na nagbibigay lamang ng administrative supervision doon sa Secretary of Justice sa Bureau of Corrections. Ang ibig sabihin niyan, nagkikita lang ang BuCor at Secretary of Justice kapag panahon ng budget, dahil wala siyang supervision and control,” dagdag nito.

Inalis sa Republic Act No. 10575 ang otoridad ng DOJ sa BuCor, maliban sa administrative supervision.

Una nang iminungkahi ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pagrepaso sa BuCor Act of 2013.

“This is one of the loopholes that we should look into. The corrupt officials in the BuCor took advantage of the law that gave too much power to the bureau to the extent that there is no more check and balance,” wika ni Drilon.