Gumagawa na ng mga hakbang ang Department of Justice alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para matukoy at mapanagot ang sinumang opisyal na tumulong kina dating Bamban Mayor Alice Guo na makalabas ng Pilipinas.
Ayon kay Justice Spokesperson Mico Clavano, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya sa kanilang imbestigasyon.
Una ng inihayag ni Senator Sherwin Gatchalian sa isang press conference nitong Biyernes na hinala niya ay tila tinangkang pagtakpan ng ilang ahensiya ng gobyerno ang pag-alis ni Guo sa bansa. Aniya, base sa kaniyang mga narinig mula sa ilang ahensiya at spokesperson umano ng iba’t ibang ahensiya na maaga nilang nalaman na nakaalis na ng PH si Guo at ito ay biniberipika na lang. Subalit iginiit ng Senador na dapat naipaalam ito sa publiko.
Samantala, nitong Biyernes din sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang mga big boss ng POGO at iba pang kasosyo sa negosyo ang tumulong umano para makapuslit palabas ng Pilipinas ang sinibak na alkalde kasama ang mga kapatid nito na sina Sheila at Wesley Guo at si Cassandra Ong.
Ilan sa mga sinasabing Big boss ng POGO na tumulong sa kanila ay ang sina Zhang Jie at Duanren Wu. Si Jie ang nagsisilbing presidente habang si Wu naman ang finance officer ng sinlakay na POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.