-- Advertisements --

Nakahanda ang Department of Justice (DOJ) na ilipat ang petsa ng una nitong imbestigasyon na gagawin kaugnay sa kontrobersyal na pahayag ni VP Sara Duterte na mayroon siyang nakausap na isang assassin na papatay kina Pang. Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at kay Speaker Martin Romualdez kung sakaling papatayin siya.

Ayon kay DOJ Usec. Jesse Andres, narinig na ng ahensiya ang pahayag ni VP Sara ukol sa kaniyang nakatakdang pagdalo sa pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ukol sa Confidential and Intelligence Fund (CIF).

Dahil sa parehong nakatakda bukas, araw ng Biyernes, Nov. 29 ang pagdinig ng Good Gov’t panel ng Kamara at initial investigation ng National Bureau of Investigation, pagbibigyan aniya ang kahilingan ni VP Sara na ilipat ang petsa para makadalo muna siya sa Kamara.

Gayunpaman, hindi rin aniya magtatagal paglilipat ng petsa at posibleng isagawa rin ito sa susunod na lingo.

Maaari aniyang ilipit ito sa mga araw ng Lunes o Martes para masimulan kaagad ang imbestigasyon.

Giit ni Andres, importante ang pagdalo ni VP Sara sa naturang imbestigasyon dahil kailangang matukoy dito ang katotohanan sa likod ng mga kontrobersyal na pahayag ni Duterte.

Binigyang-diin ng opisyal na ikinukunsidera ng DOJ ang pahayag ni Duterte bilang seryosong banta sa buhay ng tatlong pinangalanang opisyal.

Unang isinilbi ng DOJ ang subpoena laban kay Duterte kasunod na rin ng mga kontrobersyal nitong pahayag nitong nakalipas na lingo.