Hihilingin ng Department of Justice sa korte na mag-isyu ng search warrant para matunton ang napaulat na mass graves sa loob ng compound ng sinalakay na POGO hub na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Justice USec. Nicholas Felix Ty, nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at law enforcement para sa paghahanda ng mga dokumento para sa aplikasyon ng search warrant sa Regional Trial Court at umaasang maihahain na ito sa susunod na linggo.
Saad pa ng opisyal inilahad ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang imbestigasyon kaugnay sa mga bangkay na nasa loob umano ng compound ng Lucky South 99.
Nauna na ring ibinunyag ni PAOCC spokesperson Winston Casio na nakatanggap sila ng mga ulat kaugnay sa mga labi na inilibing sa nasabing compound. May natukoy na rin aniya ang mga imbestigador at mga testigo na posibleng lokasyon ng nasabing mass graves.