Binigyang diin ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na hindi sila didiktahan ng Indonesia sa anumang posibleng kalabasan ng kaso ni Mary Jane Veloso.
Ayon sa undersecratary ng Department of Justice, walang obligasyon ang Pilipinas na magpaalam sa bansang Indonesia kung may pagbabago man sa paghawak nito sa kaso ni Veloso.
Gayunpaman, sinabi niyang mananatili pa rin ang pagrespeto ng bansa sa ugnayan nito sa Indonesia.
Dagdag pa ni Justice Undersecratary Vasquez, ang naturang pagpayag ng Indonesia na dalhin dito si Veloso ay maituturing na regalo para sa bansa at lalo na sa pamilya Veloso.
Ito ay ang kaunaunahan at masasabing isang pambihirang pagkakataon sapagkat ngayon pa lamang ito nangyari ayon pa sa kanya.
Samantala, iginiit din ng Department of Justice undersecretary Raul Vasquez na hahabulin nila umano ang mga sindikatong posibleng nasa likod ng kaso ni Veloso kung matuklasang meron man.