Hindi isinasantabi ng Department of Justice ang posibilidad kaugnay sa mga espionage allegations kay dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Department of Justice Undersecretary Raul Vasquez na ang rebelasyon ng itiniwalag na Chinese spy at tycoon na si She Zhijiang na nakakulong sa Thailand na nag-ugnay kay Alice Guo alias Guo Hua Ping sa mga umano’y operasyon ng pag-iispiya ng China sa Pilipinas ay isang lead na kailangang imbestigahan ng mga security agent.
Bagamat wala pang natanggap ang DOJ na formal information kaugnay sa mga alegasyon ng dating Chinese spy, sinabi ni USec. Vasquez na naniniwala ang ahensiya na ang mga isyung bumabalot kay Guo ay lumilikha ng national security concerns na dapat na maimbestigahan.
Sa ngayon, ayon sa opisyal, irerefer ng DOJ ang imbestigasyon sa National Bureau of Investigation at makikipag-ugnayan sa national security agencies para mangalap ng karagdagang mga impormasyon.
Kung sa paano naman makukuhanan ng testimoniya ang nakakulong na Chinese tycoon, sinabi ni USec. Vasquez, maaaring gamitin ng bansa ang membership nito sa International Criminal Police Organization ( Interpol) o di naman kaya ay sa pamamagitan ng diplomatic channels para magpadala ng indibidwal o imbestigador sa embahada ng Pilipinas sa Thailand para sa questioning sa Chinese tycoon.