-- Advertisements --

Hindi pa rin makumpirma ng Department of Justice (DOJ) kung humihingi ng political asylum si dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma sa United States (US).

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, wala pa ring kumpirmasyon kung ginagawa ito ng kampo ni Garma kasunod ng tuluyan niyang pagkakaharang sa US.

Maging si Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez ay hindi rin matiyak kung humihingi ng asylum ang naka-detine na dating police colonel.

Ayon kay Amb. Romualdez, nagtatanong na ang embahada sa kung bakit nagkakaroon ng delay o pagka-antala sa kaniyang deportation.

Sa isang panayam, sinabi naman ni Sec. Remulla na una nang nag-alok ang DOJ ng witness protection kay Garma dahil itinuturing siya bilang isang ‘very important witness’.

Ayon kay Remulla, mabibigat ang mga binitawan niyang pahayag sa mga nakalipas na pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes, kabilang na ang reward system na umano’y ipinatupad sa ilalim ng kampaniya laban sa iligal na droga noong panahon ni dating President Rodrigo Roa Duterte at high-profile murder cases.