Hinimok ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na lumantad ang iba pang mga biktima ng human trafficking, kanilang pamilya at mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ.
Ito ay matapos masagip ng Philippine National Police nitong weekend ang 2 umano’y biktima ng human trafficking mula sa compound ng naturang sekta na isang 21 anyos na lalaki mula sa Samar province at isang babae mula sa bayan ng Midsayap sa lalawigan ng Cotabato.
Sa isang statement, pinuri ni Sec. Remulla ang PNP sa kanilang pagkakasagip sa mga biktima at tiniyak sa mga ito at sa kanilang pamilya na babantayan ng Department of Justice ang kanilang kaligtasan.
Sa kasalukuyan, ini-evaluate na ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development ang suspected trafficking victims.
Nanawagan din ang kalihim para sa mas pinaigting pang kolaborasyon sa pagitan ng DOJ, PNP, DSWD at Inter-Agency Council Against Trafficking para matiyak ang matibay na mga kaso laban sa mga banta ng human trafficking.