-- Advertisements --

Hinimok ng human rights group na Karapatan ang Department of Justice (DOJ) na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) para usigin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y extra judicial killings (EJK) sa war on drugs.

Ginawa ng grupo ang panawagan matapos sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinag-aaralan ng kaniyang binuong DOJ task force ang posibilidad ng paghahain ng kaso laban sa dating Pangulo kaugnay sa paglabag sa International Humanitarian Law, Genocide at iba pang Crimes against humanity.

Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, iniimbestigahan na ng ICC ang EJK na nagawa sa Duterte drug war simula noong 2018.

Saad pa ni Palabay na ang pagbalewala aniya sa ganitong realidad ay magpapahaba lamang sa buong proseso at magbubukas lamang umano sa manipulasyon ng kampo ng dating Pangulo bukod pa sa pagpapahaba ng paghihirap ng pamilya ng mga biktima na matagal nang naghahanap ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Base nga sa mga human rights group, aabot sa 30,000 ang napatay sa kampaniya kontra ilegal na droga sa ilalim ng Duterte administration malayo ito sa datos ng gobyerno na mahigit 6,000 indibidwal.