-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hirit ngayon ng Department of Justice (DOJ) na magkaroon ng special raffle ang Legazpi Regional Trial Court (RTC) sa mga kasong isinampa laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo.

Ito ay matapos umanong hindi maisagawa noong Biyernes, Abril 5 ang pag-raffle upang matukoy kung sinong huwes ang hahawak sa inihaing dalawang bilang ng murder at anim na bilang ng frustrated murder kontra kay Baldo at anim na iba pa.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, wala umano ang executive judge ng Legazpi RTC at ipagpapatuloy na lang sana ang hakbang sa Huwebes.

Subalit upang hindi na gaanong maghintay hanggang sa itinakdang araw, hiningi ng DOJ ang special raffle sa Lunes.

Matatandang ang naturang alkalde ang isinasangkot na umano’y “mastermind” sa pamamaslang kay Rep. Rodel Batocabe at police security escort na si P/SMSgt. Orlando Diaz matapos ang isang gift-giving event sa Daraga, Albay.