Humiling na ang Department of Justice (DoJ) ng mga impormasyong nakalap ng Senado ukol sa kaso ng “ninja cops” para sa kanilang reinvestigation.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, magagamit nila ang malalaking rebelasyon ng ilang testigo para mabuo ang kinakailangang criminal information.
Aminado naman si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na kahit paano ay nakaapekto sa imahe ni PNP Chief Oscar Albayalde ang panibagong mga testimonya ng ilang resource person.
“Mabigat, oo. Mahirap sanggahin yung mga ganung statements,” wika ni Sotto.
Maliban kasi kay dating CIDG chief na ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, nagpabigat din sa panig ni Albayalde ang ilang pahayag ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino.
Pero ang pinakahuling alegasyon mula kay retired Gen. Rudy Lacadin, kung saan inamin umano ng PNP chief na nakinabang ito sa kontrobersyal na raid.
Gayunman, patuloy na kinikwestyon ni Albayalde ang motibo ng mga nagsasalita laban sa kaniya.
Lalo’t ilang taon na umano ang nakaraan bago lumutang ang mga taong nagdidiin sa kaniya.