Iaapela ng Department of Justice (DOJ) ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) ng Timor-Leste sa hiling ng gobyerno ng Pilipinas para sa extradition kay dating Negros Oriental representative Arnolfo Teves Jr.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, maghahain ang DOJ ng motion for reconsideration sa korte ng Timor-Leste at nangakong gagawin ang lahat ng mga posibleng remedyo.
Ipinahiwatig pa ng kalihim ang posibilidad ng korupsiyon sa justice system ng Timor-Leste na tinawag niyang “very immature”.
Aniya, walang basehan sa desisyon kayat malinaw umano na may ilang indibidwal ang pinagkakakitaan ito, na maaaring mga abogado o posibleng higit pa o mas nakakataas pa sa mga abogado.
Kung babalikan, tinukoy ng korte ng Timor-Leste ang naging basehan sa pagbasura sa extradition request ng Pilipinas kabilang ang pagbawi ng mga testigo sa kanilang mga testimoniya, na anila’y napilitan lamang umanong lumagda sa affidavits na inihanda umano ng police at military personnel para idawit si Teves sa mga pagpatay na inaakusa sa kaniya.
Nag-ugat naman ang paghiling ng Pilipinas na i-extradite si Teves mula sa Timor-Leste para dito sa Pilipinas niya harapin ang mga patung-patong na kasong ibinabato laban sa kaniya may kinalaman sa madugong Pamplona massacre na ikinasawi ni dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at 9 na iba pa noong Marso 4, 2023.