Iginiit ng mataas na opisyal ng Department of Justice na hindi maaaring diktahan o impluwensiyahan ng gobyerno ng Pilipinas ang posibleng extradition ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy sa Amerika.
Ito ay matapos na sabihin ng abogado at tagapagsalita ng KOJC na si Atty. Israelito Torreon na haharapin lamang ni Pastor Quiboloy ang kaniyang mga kaso kapag mag-iisyu talaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang written declaration na walang extraordinary rendition kay Quiboloy sa Amerika.
Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, sinabi ni DOJ USec. Raul Vasquez na ito ay isang legal issue na kailangang masusing pag-aralan.
Sinabi din ni Vasquez na walang sinuman sa gobyerno ang makakapagbigay ng garantiya sa kondisyong inilatag ng pastor.
Binigyang diin pa ng opisyal na nakatali ang Pilipinas sa extradition treaty sa Estados Unidos kayat wala aniyang opisyal ng gobyerno ang nais na lumabag sa batas. Obligasyon din aniya ito ng estado sinuman ang kasalukuyang nakaupo sa leadership position.
Samantala, nilinaw naman ni USec. Vasquez na ayaw niyang pangunahan ang anumang magiging desisyon ng mas nakakataas sa kaniya hinggil sa mga kondisyon ni Quiboloy.
Pero sakali man aniya na pagbigyan ang kahilingan ni Quiboloy, ito ay unfair o hindi patas para sa iba na humaharap sa mga kaso gaya ng mga mahihirap na tao.
Matatandaan maliban sa mga kaso dito sa Pilipinas, mayroon ding existing arrest warrant ang puganteng pastor sa Amerika para sa kasong may kinalaman sa sex trafficking, fraud, cash smuggling at iba pa.
Nauna na ring pinaratangan ni Pastor Quiboloy ang US government ng pakikipagsabwatan umano sa gobyerno ng Pilipinas sa ilalim ni Pangulong Marcos ng pagpaplanong i-eliminate siya sa pamamagitan ng extraordinary rendition o ang palihim na paglilipat ng isang indibidwal, pagsasailalim sa matinding interogasyon, tortyur, o maging kamatayan na walang due process.