Iginiit ng Department of Justice na kinakailangan muna ng pahintulot ng gobyerno bago makapagsagawa ng imbestigasyon ang foreign entities tulad ng International Criminal Court sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng Justice Department na ang mga dayuhang entity katulad ng ICC ay dapat munang kumuha ng pahintulot sa DOJ, DFA at DILG.
Muli namang iginiit ng DOJ na walang legal na tungkulin ang gobyerno na sumunod sa mga ginagawang paglilitis ng ICC.
Ginawa ng ahensya ang pahayag kasunod ng pagbubunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na nakatanggap siya ng impormasyon na dumating sa bansa ang mga ICC probers noong Disyembre 2023.
Ito aniya ay nagsasagawa na ng panayam sa mga concerned individuals.
Gayunpaman, sinabi ng DOJ na hindi pa sila nakakatanggap ng anumang opisyal na komunikasyon o kumpirmasyon tungkol sa presensya ng ICC sa bansa.