Muling iginiit ng Department of Justice na mahirap magtago kapag ang isang indibidwal ay pinaghahanap ng batas.
Ginawa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pahayag ngayong araw kasabay ng kumpirmasyon nito sa pagkakahuli kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Jakarta Indonesia.
Ayon sa kalihim, sa ngayon wala pang eksaktong araw kung kailan maibabalik si Guo sa Pilipinas.
Aniya, naka depende ito sa sitwasyon at patuloy aniya ang kanilang pakikipag coordinate sa mga otoridad ng Indonesia.
Tiniyak rin nito na hahabulin ng DOJ ang mga individual na sangkot sa pagkakatakas ni Alice Guo, Sheila Guo at Cassandra Ong sa Pilipinas.
Naniniwala si Remulla na may mga tauhan ng Bureau of Immigration na posibleng sangkot sa naturang insidente.
Una nang napaulat na nakalabas ng bansa si Alice Guo, Sheila Guo at Cassandra Ong noong Abril.
Iniuugnay ang dating alkalde sa mga ilegal na operasyon ng POGO hub sa bansa partikular sa scam hub na sinalakay sa kanyang bayan.
Nagpasalamat naman si Remulla sa mga otoridad ng Indonesia dahil sa matagumpay na pagkaka aresto kay Alice Guo.
Aniya, ito ay patunay rin ng walang humpay na effort ng mga enforcement agencies at ang lakas ng internasyonal na kooperasyon sa pagdadala ng mga pugante sa hustisya at sa legal na proseso .