Binigyang diin ng Department of Justice na nasa korte na ang pagpapasya kung papayagan nito si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy na isailalim sa house arrest.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, discretion na rin ng korte kung maaari bang mapagbigyan ang mosyon ng kampo ni Quiboloy.
Paliwanag ni Remulla, karamihan aniya sa mga nabibigyan ng house arrest ay mga pugante na kusang sumusunod sa mga otoridad at hindi na ito nagdudulot ng hirap sa mga tagapagpatupad ng batas.
Sa kaso aniya ni Quiboloy ay malabo itong mangyari dahil tumagal ng mahigit dalawang linggo bago ito tuluyang sumuko sa mga otoridad.
Sa ibang pagkakataon aniya , pinagbibigyan naman ng korte kung ang isang akusado ay may malubhang karamdaman.
Punto ng kalihim, sa ngayon ay tanging korte lamang ang makakasagot sa naturang usapin.